top of page

Pahayag ng Bukluran ng Mangingisda sa Batangas (BMB) Tungkol sa Oil Spill sa Verde Island Passage

Nakikiisa ang BMB sa mga kapatid naming mga mangingisda ng Oriental Mindoro at mga karatig na lalawigan na mahigit tatlong linggo nang pinagkaitan ng kabuhayan dahil sa oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress. Gaya namin, sila ay binubuhay ng mayamang katubigan ng Verde Island Passage, na kinikilalang pinakamayamang tirahan ng mga isda at iba pang lamang-dagat sa buong mundo.


Ang oil spill na ito ay paglunod sa mga kapwa naming mangingisda at mga pamilya nila sa gutom at kahirapan. Mismong pamahalaan na ang nagsasabi na limang milyong piso ang nawawala sa mga mangingisda araw-araw dahil sa pagbalot ng langis sa kanilang mga pook pangisdaan. Mariin kaming nananawagan para sa agaran at pangmatagalang pamamahagi ng ayudang pinansyal at pangkabuhayan upang maalalayan ang mga mangingisdang siyang pangunahing biktima ng pinsala ng oil spill, at pati na rin sa mga manininda, mga trabahador sa sektor ng turismo, at iba pang mga manggagawa na apektado rin dito.


Nababahala rin ang BMB sa kasapatan ng paghahandang ginagawa sa Batangas sa sa pagtama ng oil spill sa kalakhan ng ating probinsya, sa kabila ng kumpirmasyon na nakarating na ito sa mismong Isla Verde at mga sighting na rin sa bahagi ng Lobo. Ang patuloy na paghaba ng listahan ng mga dagat at baybaying apektado ng oil spill ay dagdag-hamon sa aming mga mangingisdang pasan na ang samu’t saring isyu gaya ng pag-unti ng huli, krisis sa klima, at paglago ng industriya ng fossil gas sa aming lalawigan. Ang hindi o kulang na pagkilos ng ating pamahalaan ay pagkitil sa kabuhayan namin.


Hinihimok natin ang lokal at nasyonal na pamahalaan na agarang magsagawa ng mga aksyon para malimitahan ang paglawak ng oil spill at masimulan na ang pagbangon muli ng mga probinsya at pamayanang napaluhod ng insidenteng ito. Kailangang magkaroon ng masusing imbestigasyon sa oil spill upang mapanagot ang mga pabayang kumpanya at ahensya na dahilan ng paglala ng sitwasyong kinalalagyan natin ngayon.


Naniniwala rin ang BMB na maaari tayong magtulung-tulungan para sa sama-samang pag-ahon ng mga mangingisda at iba pang apektadong sektor mula sa krisis na ito, at nananawagan kami ng sama-sama rin nating pagkilos upang sagipin ang kabuhayan, kalikasan, at mga kapwa nating apektado.


Protektahan ang Verde Island Passage! Panagutin ang mga iresponsableng kumpanyang sangkot sa Mindoro oil spill! Magkapit-bisig para sa mga kapwa mangingisda at iba pang apektado ng oil spill!


47 views
bottom of page